Kabataan: Boses at kalasag ng Bayan! (by Regine Suerte)

 Mundo ay binalot ng takot,

Lipunan ay puno ng gulo at salot,

Dugtungan pa ng pandemyang nakakahawa,

Tanong sa sarili'y may pag-asa pa kaya?


Isa, dalawa, tatlo, ilang dekada na ang nakalipas,

Pero hindi parin nakakatakas ang Pilipinas,

Sa korupsiyon ay hindi makakatakas,

Paano na ang bukas?


Mga politikong ibinoto ng sambayanan,

Inaasahang magsilbi ng tapat sa bayan,

Ngunit taliwas sa katotohanan,

Pagkat sila lamang ang lalong yumayaman.


Korapsiyon ay nagbubunga ng kahirapan,

Na di kalauna'y gumawa ng krimen sa bayan,

Kaya kaming mga kabataan,


Walang ibang hinahangad kung hindi katarungan.


Mga bilihin ay patuloy na nagtataasan,

Hirap at kakulangan ay patuloy na nararanasan,

Mamamayang kumakayod kahit may karamdaman,

Da-ing ay tulong sa gutom at kumakalam na tiyan.


Kaliwa’t kanang patayan, medya ay binubusalan

Patuloy na inaabuso ang mga taong nasa laylayan,

Nagbibingi-bingian sa sigaw at iyak ng bayan,

Kabataan ay pinapatahimik, hindi pinapakinggan.


Sinasabi niyong kami ang pag-asa ng bayan,

Pero bakit hindi niyo kami pinapakinggan?


Pinagbuklod na boses namin, masa ay pinaglalaban,

Karapatan ng lahat, boses ng taong-bayan.


Mga lupa at sakahan ay patuloy na inaagaw,

Damdaming bumubugso, patuloy na sumisigaw.

Diskriminasyon at pang-aapi sa mga magigiting na magsasaka,

Hindi niyo ba naisip na kung wala sila, paano ka?


Mga batang hindi makapag-aral dahil sa labis na kahirapan,

Napipilitang magtrabaho, kumayod para sa kabuhayan,

Lalo na ngayong pandemiya, ang daming napag-iiwanan,

Kulang ang salapi, hindi makasabay sa tinatawag nilang “new normal.”


Bakit kapag mahirap ka, talo ka?

Bakit kapag wala kang pera, inaapi ka?


Ang sistema ng hustisya at pamomolitika ay pumapanig sa mayayaman,


Nabubulag sa pera’t salapi, pati na sa kapangyarihan.


Kaya sa puntong ito,

Kabataang hindi takot sa pagbabago,

Kabataang susugal para sa pag-asa,


Kaagapay ay boses ng katotohanan, at ito na ang simula.


Sabay sabay tayong tatayo,

Mula sa hirap, panlilinlang, at pang-aabuso,

Simulan ang maalam na pagpili,

Pahalagahan ang ating boto at ‘wag ipagbibili.


Kapwa ko kabataan, tumindig at maging mulat,

Sabay-sabay na isulong, magsilbing boses ng lahat.

Tumayo at tumindig patungo sa progresibong pagbabago,

Dahil tayo ay kabataan, hindi “kabataan lang.”

Comments

Popular posts from this blog

2021: RISING GARDENS